KABANATA 18                MGA KALULUWANG NAGHIHIRAP§ 

 

 

            Mag-iikapito na nang umaga, nang si Padre Salvi ay nakatapos sa kanyang huling misa:  na ang tatlo ay kaniyang ginawa sa loob lamang ng isang oras.

 

 “May sakit ang pari,” sabi ng ilang mapanata, “hindi kumikilos nang banayad at elegante na tulad ng kaugalian!” Walang imik na hinubad ang kanyang mga kasuotan, walang katingin-tingin kahit kanino, at walang ginawa na anumang pagpuna.[1]

            

“Ingat!” ang bulungan ng mga sakristan, “lumalakas ang kulukoy sa ulo!  Uulan ng multa, at ang may kagagawan ng lahat ng ito ay ang magkapatid!”[2]

            

Umalis ng sacristia para pumanhik sa kumbento at sa silong na zaguan at paaralan ay may pito o walong babae at isang lalaki na lalakad-lakad sa magkabilang dulo.  Nang makitang siya ay dumarating ay nagtayuan, isa sa mga babae ay nagpauna upang humalik sa kamay, ngunit ang pari ay nagpakita nang yamot na anyo pumigil sa lalapit.[3] “Nawalan kaya ng pera ang kuripot?” nasabi ng babae na pakutyang tumawa na bilang ganti ng kaniyang pagkamuhi sa masamang pagsalubong ng pari.  Hindi ba naman siya pahalikin ng kamay; siya ang celadora ng Hermandad, si Hermana Rufa!  Iyon ay hindi pa man lamang pinakundanganan!

 

“Kaninang umaga ay hindi umupo sa kumpisalan!” ang dugtong ni Manang Sipa, isang matandang walang ngipin; “ibig ko sanang mangumpisal at makinabang upang matamo ang mga indulgencia[4]. “Dahil diyan ay kinakaawaan ko kayo!” sagot ng isang batang-batang babae na may mukhang mapaniwalain, “sa linggong ito ay nagtamo ako ng tatlong plenaria[5] at ipinagkaloob kong lahat sa kaluluwa ng aking asawa.

               

Masama ang ginawa ninyo, Manang Juana!” pagalit na sabi ni Rufa. “Ang isang plenarya lamang ay sapat na upang makuha ang inyong asawa sa purgatoryo; hindi ninyo dapat aksayahin ang mga banal na indulhensiya;[6] gawin ninyo ang ginagawa ko.”

            

“Para sa akin ay lalong marami ay lalong mabuti!” ang sagot ni Manang Juana na nakangiti. 

 

“Ngunit sabihin nga ninyo kung ano ang inyong ginagawa.”

            

Si Manang Rufa ay hindi agad sumagot; humingi muna ng isang hitso, ngumanga, tiningnan ang nakikinig na naghihintay, lumura sa isang tabi, at nagsimulang magsalita, habang kumakagat ng tabako:

 

“Hindi ako mag-aaksaya kahit ng isa mang banal na araw!  Sapul nang ako ay makasapi sa Kapatiran ay nagtamo na ako ng 457 indulhensiya plenarya, 760,598 taong indulhensiya.  Itinatala ko ang lahat ng aking natamo, sapagkat ibig kong malinis ang aking talaan; ayokong mandaya o madaya.[7]

            

Si Manang Rufa ay sandaling huminto at upang makapagnganga; pinagmamasdan siya na pahanga ng mga babae, ngunit ang lalaking palakad-lakad ay tumigil, at nagsalita na parang hindi pinahalagahan nang malaki ang bagay na iyon.

            

“Ako, sa taon lamang na ito, ay nagtamo ng apat na plenaryang higit sa inyo, Manang Rufa, at isang daan taong higit, gayong sa taong ito ay hindi ako nagdasal nang marami.”[8]

            

Higit sa akin?  Higit sa 689 plenarya, 994,856 na taon?” ang ulit ni Manang Rufa na may halong kaunting sama ng loob.[9]

            

“Iyan nga, higit ng walong plenarya at isang daan at labinlimang taong higit sa loob ng ilang buwan,” ang ulit ng lalaki na may sabit na mga kalmen at libaging kuwintas sa leeg.[10]

 



§ Sa kabanatang ito ay makikita ang argumento ng mga mapanata sa simbahan. Ginawa ni Rizal ang kabanatang ito upang ipakita ang mga kabalbalan ng mga panatikong tagasunod ng kolonyal na simbahan – ipagkumpara ang kanilang pag-uusap sa mga kaisipan ni Pilosopo Tasyo na nabanggit sa kabanata 14.

[1] Mapapansin na ang kilos ni Padre Salvi ay taglay ng isang taong may bumabagabag sa isipan.

[2] Ibig sabihin ay  may sumpong si Padre Salvi at ang sinisisi ng mga sakristan ay ang magkapatid.

[3] Bakit ayaw magpahalik ng kamay si Padre Salvi? Ano kaya ang kaniyang itinatago? Hindi kaya ang kagat ni Crispin, katulad ng pagtatago ng mga prayle sa kagat ni Rizal sa kolonyal na simbahan, sa pamamamagitan ng pag-expurgate sa nobelang Noli me Tangere.

[4] Indulhensiya - pagpapatawad ng kasalanan mula o sa pamamagitan ng mga gawang kabanalan.

[5] Plenaria – ganap na pagpapatawad sa lahat ng kasalanan.

[6] Itinuturo ng simbahan ay sapat na ang isang plenarya para hanguin ang kaluluwa ng isang tao sa purgatoryo. Ipinapapansin na para ano pa ang mga taunang pamisa para sa kaluluwa ng mga namatay, kung ang isang plenarya lamang ay sapat na sa ganap na kapatawaran ng kasalanan.

[7] Makikita dito ang katunggakan ng mga manang sa simbahan, ang dami ng naipong indulehensiya ay labis-labis kahit na sila ay mabuhay nang mag-uli ng libo-libong beses.

[8] 457 indulhensiya plenarya, 760,598 taong indulhensiya ang natamo ni Manang Rufa kaya ang natamo ng lalaki ay ay 461 indulhensiya plenarya, 760,698 sa lalaki. Nagyayabang ang lalaki.

[9] Makita ang bagong figure na ibinigay ni Hermana Rufa.  “Higit sa 689 na plenarya, 994,856 taong indulhensiya?” pinalilitaw dito na si Hermana Rufa ay sinungaling na mayabang pa. Paano kaya ito nakapagtamo ng kahit isa man lamang na indulhensiya? Kaya siguro ang unang hinanap sa umagang iyon ay ang kumpisalan.

[10] Iyan nga, higit ng walong plenarya (687) at isang daan at labinlimang taong higit ( 995,006) sa loob ng ilang buwan,” Sa ikalawang figure  na sinabi ni Hermana Rufa ay hindi tinutulan ng lalaki at sinabi na nakakahigit ng 8 plenarya at 150 taong indulhensiya sa loob lamang ng ilang buwan. Makikita dito ang pag-uusap ng mga mapanata na puno at nadagdagan ng kasinungalingan katulad ng paglaki ng kanilang ibinibigay na figure – handa silang magsinungaling para lamang sa ipangalandakan at maragdagan ang kanilang mga naiipong “kabanalan.” Nilagyan pa ni Rizal ng isang napakagandang larawan ang lalaking nagyayabang sa kaniyang natamong sinungaling na kabanalan. Isang lalaki na may sabit na mga kalmen at libaging kuwintas sa leeg. (siguro ay nagtatawa si Rizal habang binubuo niya sa kaniyang ideya ang tauhan na ito na kaniyang nililikha)